Kakaibang hilig, bakit maraming nawiwili?
Karen C. Bawiga
“Madumi tingnan, ayoko.”
Madalas kong sabihin sa mga kaibigan kong pinipilit akong gawin ang hilig
nila. Kj nga daw ako e. Di ko nga sila maintindihan e wala naman silang mapapala, sasama pa ang
tingin ng mga tao sa kanila. Lahat kasi
sila naexperience na yun. Mukha na
silang adik, mukha na din silang maangas.
Manang din ang tawag nila sakin, hindi daw kasi ako sa sunod sa uso at konserbatibo
pa. Lahat sila mayabang na, lahat sila
puro pasikat. Mga kaibigan ko sila pero
nakakapikon na, panay pangungulit sakin.
Siguro iniisip mo na ang sama
kong kaibigan dahil hinuhusgahan ko sila.
Pero sinasabi ko lang naman ang totoo, okay lang naman sakin ang ginagawa nila sa sarili
nila, pero ang ako mismo ang gagawa nun?
Hay dinamay pa ko sa kalokohan nila.
Sa patuloy na pangungulit nila, pumayag na rin ako. O! alam ko ang iniisip mo, alam kong kinain
ko ang mga sinabi ko pero isa lang naman e. Nagisip naman akong
mabuti bago ko ito ituloy. Inisip
ko din ang mabuti at hindi mabuting dulot nito.
Oo, nung una ayoko talaga,
hanggang ngayon naman e pinagbigyan ko lang at itatago ko rin. Makalipas ang ilang sandali, nakita ko na
siya. Lumakas yung tambol sa dibdib
ko. Inihanda na ang mga gagamitin namin,
inihanda ko na rin ang sarili ko.
Naglinis na siya “Umpisa na tayo” sabi niya. Tumango lang ako at huminga ng malalim.
Tinanggal na ang mga nakatakip sa akin, mas lalo akong kinabahan. Unti-unti kong naramdaman ang paglapit
niya. Tama nga sila, masakit, sobrang
sakit, tagos sa buto yung sakit. Tumutusok,
bumabaon, tumutusok, bumabaon, paulit-ulit.
Di ko rin alam na magdudugo, hindi ko na lang ininda pinaubaya ko na sa
kanya ang lahat. Napapakagat labi at
napapamura na rin ako sa sakit.
. Habang tumatagal iba na yung nararamdaman
ko. Masakit pero masarap, di ko
maipaliwanag yung sarap ng pagtusok niya.
Ibang klase yung satisfaction, halatang bihasa na siya. Nararamdaman ko pa rin yung pagbaon niya,
ngunit sa mga sandaling ito mas nangingibabaw yung sarap. Nagmarka yung matagal ko ng hinahanap-hanap,
nagmarka yung gusto ng puso ko.
Matapos ang karanasan ko sa kanya, unti-unti na atang
nabago ang pananaw ko. Pero tinago ko pa
rin yung nangyari samin. Nakakahiya lang
kasi dati halos isumpa ko siya at yung gawain niya pero ngayon parang
nagugustuhan ko na. Di ko inakalang
ganun yung mararamdaman ko, hanggang ngayon hinahanap-hanap ko pa din yung
sakit. Kaya siguro maraming nahuhumaling
sa kanya. Ngayon alam ko na ang dahilan nila.
Masarap din siguro siya sa kausap, di ko kasi siya
kinausap nung araw na yun. Pakiramdam ko napakaimoral ko na. Ang oa ko no? Pero
yun talaga ang nararamdaman ko, yun kasi ang tingin ko sa mga tulad niya. Kaya
todo pilit ang mga tropa ko, para mabago ang pag-iisip ko. Mukha namang nagtagumpay sila. Lumipas ang
panahon, naglaho na ang dating ako. Wala na ang mapanghusga at sarado ang
isipan na ako. Natuwa ang barkada ko, mas sumaya ang grupo namin. May bagay na
kaming pinagkakasunduan, dati kasi lagi akong op sa kanila.
Nakipagkita ako sa kanya, tulad ng
dati naghanda at naglinis muna siya. Pagkalipas ng ilang sandali nagumpisa na
kami. Ibang klase talaga ang pagtusok at pagbaon niya. Natapos na kami, wala
siyang kibo marahil nahihiya pa siya. Inabutan ko na siya ng pera at umalis na
rin ako kaagad. Napansin ko kasing naiilang pa siya. Siguro kung mas
mapapadalas pa ang pagkikita namin magiging komportable na siya. Gusto ko
kasing makipagkwentuhan sa kanya. Malamang marami siyang alam, parang
bihasang-bihasa na siya sa gawain niya e.
Nasundan pa ang pagkikita namin,
ganun pa rin tusok-baon, abot pera ulit. Kinausap ko na siya ang pangit naman
kung lagi kaming ganun. "Matagal mo na bang ginagawa to?"
"Oo" matipid niyang sagot. "Magkwento ka naman" sabi ko.
Ayun nagkwento na siya, karamihan daw sa mga ito ay mga kabataang gaya ko. May mayaman,
mahirap, gwapo at maganda. Basta iba-iba daw. Iba-iba din ang pagpapakahulugan
ng tao sa trabaho niya, lalo na daw ang mga relihiyoso’t relihiyosa. Madalas
daw basura ang tingin sa kanya sa pinaggagawa niya sa katawan niya pero di
naman daw yun ang intensiyon niya. Gusto
lang naman daw niyang i-express ang
sarili niya. May mga dahilan naman daw ang mga kabataan sa paglapit sa kanya. Merong trip lang, may gusto lang maging in, ayaw pahuli sa uso at ayaw
mapagiwanan sa experience. May iba naman daw na gusto lang magpasikat sa
kasintahan, para nga naman ma-impress nila ang syota nila at maging magyabang
sa mga nakakainitan nila. Meron din
namang emosyonal, ang mga ganitong tao ay lumalapit sa kanya kapag malungkot,
may problema sa bahay at maging sa pag-ibig. Meron ding malalim ang
pinaghuhugutan, sa lalim daw di niya magets ang gusto. Madami na siyang
nasabing dahilan. Pero ako? Ano nga bang
dahilan ko? Basta ang alam ko gusto ko lang paulit-ulit ang tusok niya. Ang
babaw ko no? Ganun talaga e, di ako nagsasawa sa kanya.
Pinuntahan
ko ulit siya, tusok, baon, tusok, baon, paulit-ulit. Nag-iwan na naman siya ng
permanenteng marka sa akin. Pakiramdam ko komportable na siya. Tinanong ko siya
kung bakit ganito ang napili niyang trabaho. Hilig niya daw kasi tsaka
pinapahalagahan niya ang kultura ng mga Pilipino. Ang lalim nun a, pero paano
naging parte ng kultura yun? Di ko talaga alam kung bakit kaya tinanong ko
siya. Ito lang yung sagot niya, "Teka, pinoy ka ba talaga? Unang panahon
pa lang ginagawa na to ng mga ninuno natin. Ipinapagpatuloy lang ng mga kagaya
ko, mas moderno nga lang pero ganun pa rin. Tsaka tingnan mo ang mga marka
ko, puro Pilipinas ang inspirasyon no?"
ha? Pinoy ba talaga ako? Tinatanong ko
na rin yun sa sarili ko, tiningnan ko rin ang mga marka niya tama nga siya
lahat ng marka niya tungkol sa Pilipinas. Lalo tuloy akong bumilib sa kanya. Bakit nga ba di ko alam
yun? Napahiya ako ng unti sa kanya, di naman pala lahat ng may ganung trabaho
katulad ng iniisip ko. Ako pala ang
madumi ang isip at hindi sila, hay… kulang na talaga sa kaalaman ang mga Pilipino
ngayon at isa na ko dun.
Simula
nung sinabi niya yun, mas dumalas ang paglapit ko sa kanya. Iba na ang mga
permanenteng marka na iniiwan niya, malaman na ang mga ito. Lahat ay patungkol
sa Pilipinas.
Ang sarap sa pakiramdam may dahilan
na ang bawat pagpunta ko sa kanya, lalo na't inspirasyon ko ang Pilipinas.
Nakakatanggap man ako ng kritisismo, di ko na lang pinapansin ganun din naman
din ako dati e. Sadyang ganun talaga ang mga tao, kahit sino ay hindi
makakaligtas sa mga mapanghusgang mata nila. Mga marka ko lang naman ang
nakikita nila, marahil wala pa silang alam kung bakit nawiwili kami dito. Sige
baka naiinip ka na, wag kang tutulad sakin a.
Buksan mo ang isip at puso mo. Pasensiya
ka na mahaba ang kuwento ko. Hanggang sa muli, salamat sa pakikinig mo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento