TAYO
ANG BIDA!
Jonilia Tuazon
Simula
pagkabata, nakagisnan ko na ang panonood ng telenobela. Bukod kasi sa
nakakalibang, nasanay nalang ako panoorin ang mga pinapanood ng Mama ko. Madalas,
nadadala ako sa mga eksena lalo na sa climax. Naluluha, kinikilig, naiinis at napapasigaw
pa ako na akala mo naman ay maririnig ako ng tauhang sinisigawan ko sa harap ng
telebisyon. Sabay sabi sa sarili, “Ay! palabas nga lang pala yun.” Sa paglipas
ng panahon, napansin ko na habang nanonood ako ng telenobela, minsan ay parang
alam ko na ang mga susunod na mangyayari. Unti-unti ko ring nakuha ang pormula
ng isang tipikal na soap opera.
Bida,
ang pangunahing tauhan sa kwento. Para maging bida, kailangang maganda/pogi ang
gaganap, may maamong mukha at saksakan ng bait para epektibo ang arte niya sa
tuwing aapihin siya, kailangan din na galing siya sa mahirap na pamilya para
malapit sa puso ng masa. Siyempre, kung may bida, di mawawala ang kontrabida. Ang
kontrabida naman ang responsable sa lahat ng ikasisira ng buhay ng bida. Kadalasang
mayaman ito. Paano nga naman niya maisasakatuparan ang masasama niyang plano
laban sa bida kung salat siya sa pera? Madalas din siya magsalita ng mag-isa
lalo na kung may balak na masama. Halimbawa nalang dito ang mga linyang: “May
araw ka rin!” at “Humanda ka sakin!”. Ang kontrabida ay may siyam na buhay, malapusa
kumbaga. Kahit nasaksak, nabaril at nasabugan na ng bomba ay di mamatay-matay
at bumabalik pa para maghiganti.
Pero
bago ang lahat, nag-uumpisa ang kwento sa isang sanggol na kundi nawalay sa
kanyang ina ay naipagpalit sa isa pang sanggol. Kailangan yung isa ay mayaman,
yung isa naman ay mahirap. At siyempre, yung mahirap ang siyang bida sa kwento.
Habang lumalaki ay lumalalim ang kompetisyon sa pagitan nila. Laging mas
magaling ang bida kaya lalo ditong
nanggagalaiti ang kontrabida , dahilan para apihin niya ang bida na wala namang
reklamo kahit ano pa ang gawin sa kanya, mabait nga eh. O kaya naman ang
sanggol na nawalay sa ina ay lalaki sa pangangalaga ng kanyang malupit na
madrasta. Madalas, ang nawawalang anak ay may balat o nunal sa katawan na
siyang palatandaan ng ina dahil sa telenobela, maliit lang ang mundo, alam
nating balang araw ay magkikita’t magkikita sila ilang taon man ang dumaan. At
pagkatapos ng mahabang panahon, magkikita na nga sila pero syempre di pa nila
alam na mag-ina sila. At sa di maipaliwanag na dahilan ay magaan ang loob nila
sa isa’t-isa.
Hindi
rin mawawala sa telenobela ang kwento ng pag-ibig. At siyempre, ang buhay
pag-ibig ng bida ang pinakamakulay dito. Nariyan ang mga nakakakilig na eksena
ng landian ng bidang babae at lalake. Pero
kagaya sa tunay na buhay, hindi palaging masaya ang pag-ibig. Dumarating din
ang kalungkutan dahil sa mga humahadlang sa kanila. Pamilya ang numero unong
epal sa pagmamahalan nila. Nirereto sa taong di mahal ng anak nila at
itinatakda pa ng kasal. Gagawin nila ang lahat mapaghiwalay lang ang dalawang
nagmamahalan. Nariyan din ang mga karibal
na nanggugulo sa pag-ibigan nila. Pero ika nga, “Ang pag-ibig pag
pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.” Alam naman
natin na sa bandang huli, sila parin ang magkakatuluyan.
Pambansang sakit na yata sa
telenobela ang amnesia. Madalas mangyari ito sa bida pagkatapos ng isang
malagim na aksidente. At dahil wala siyang
maalala, di siya makauwi sa kanyang pamilya kaya aakalain ng lahat na patay na
siya. Usong-uso rin ngayon ang pagreretoke sa nasunog na mukha dahil parin sa
aksidente, pero ang resulta ng retoke ay napapalitan ang mukha na malayo sa
orihinal. Hilig din ng mga tauhan sa
telenobela ang kausapin ang isang tao kahit natutulog ito. Humihingi ng sorry,
nagbabanta o di kaya ay nagtatapat ng pag-ibig sa natutulog. Bilib ako sa
nakahiga dahil di man lang naaalimpungatan na may nagsasalita sa tabi niya
habang tulog siya. Kapag binabangungot, talaga bang bumabalikwas ng pagbangon? Pwede
namang dumilat muna, magmuni-muni at tsaka babangon para ikwento sa iba ang
napanaginipan. Napapaisip ako minsan kung normal lang ba sa mga mayayaman na
nakapostura at naka heels pa kahit nasa loob lang ng bahay? Hindi ba sila
nangangawit sa takong habang umaakyat sa mataas na hagdan ng bahay nila? At
yung taong may kausap sa telepono, kailangan ba talaga na inuulit ang sinasabi
ng kausap? Dahil tuloy diyan ay naririnig ng ibang tao ang di dapat marinig at nagiging
daan pa ito para mapahamak siya. Eto ang matagal ko nang napapansin, matanong
ko lang, wala na bang ibang pwedeng itsura ang land lady kundi mataba, masungit
at may dalang shoulder bag na galit na galit na naniningil ng upa ng bahay? Hindi ba pwedeng payat, mabait at body bag ang
dala? Sa katangahan ng taong aatake
nalang sa nakatalikod ay sisigawan o tatawagin pa ang pangalan ng babarilin o
sasaksakin niya, siyempre lilingon at makakailag tuloy ang biktima. Imbes na
tinamaan ay sumablay pa ang tira niya. Nariyan din ang mga pulis na huli na ang
lahat bago dumating, marami nang namatay wala pa sila, darating nalang sila
kapag mahina na ang kalaban at ang gagawin nalang nila dito ay poposasan at
dadalhin sa presinto. At bago magwakas ang kwento, dapat nakakulong o patay na
yung mga masasama at yung iba naman ay nagsisi na sa mga kasalanan nila. Sa
ganitong paraan, masaya at matiwasay na ang mga bida.
Sadyang hindi maipagkakaila ang
hilig nating mga pinoy sa telenobela kahit pare-pareho at paulit-ulit nalang
ang tema at mga eksenang napapanood natin. Yung ibang lumang telenobela ay
ginagawan pa ng remake na ginaganapan ng mga bagong artista. Alam naman na
natin ang istorya pero sa kabila nito ay patuloy parin nating itong
tinatangkilik at sinusubaybayan. Oo, nakakalibang. Pero hindi ba natin naiiisip
na parang niloloko at pinapaikot nalang tayo ng mga artista? Sabi nga ng isa sa
mga guro ko, nakakabobo daw ang panonood ng telenobela. Minsan naman, kapag
emosyonal ako, sinasabihan ako ng tatay ko, “yan ang epekto ng kakapanood mo ng
mga drama!”
Mabuti
man o masama ang dulot nito sa tao, ang mahalaga ay alam natin na ang panonood
ng mga telenobela ay isa lang sa mga paraan natin upang aliwin ang ating mga
sarili at hindi para ihalintulad ang mga buhay natin dito. Oo nga’t minsan ay
nakaka-relate tayo sa napapanood natin dahil may mga pangyayari dito na nagyari
na rin sa atin pero sa tunay na buhay, tayo parin ang manunulat, direktor at
artista na gagawa ng sarili nating kwento o kapalaran. At sa kwento ng ating
buhay, tayo ang bida!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento