Martes, Pebrero 11, 2014

Kiliti ng Diyos

Kiliti ng Diyos
Ni Moriah Martha Ilustre
“O tukso layuan mo ako…” ika nga ni Eva Eugenio sa pinasikat nitong awitin na pinamagatang “Tukso”. Ngunit minsan na ba kayong napaisip kung bakit nais niyang lumayo sa tukso? Marami sa atin at hindi lamang siya ang nais lumayo o layuan ito.Kung minsan tila nakalilimutan natin ang konsepto ng tama at mali, ng dapat at hindi dapat gawin. Dahil kapag ang tukso, nariyan na sa ating harapan, lumalabas daw ang pagiging marupok natin —lalo na pagdating sa aspeto ng pag-ibig.
            Tukso, marahil ay maraming negatibong bagay ang tumatakbo o pumapasok sa ating mga isipan kapag atin itong naririnig. Subalit sapat nga ba angating mga nalalaman ukol sa bagay na ito? Bakit nga ba mahirap itong iwasan o layuan? Bakit nga ba ito may kaakibat na masamang pangyayari sa buhay ng isang tao? Isa ba itong tae upang iwasan o layuan?Hindi ba ito naliligo? Sobrang daming katanungan ang naghahanap ng kasagutan o solusyon sa aking isipan. Sa aking ginawang pananaliksik ay unti-unti itong nabigyang linaw.
            Ako si Aya, labing anim na taong gulang at estudyante ng paaralang EARIST. Bilang isang tin edyer, inaamin kong maraming beses na akong sinubok ng tukso, hindi lang dalawa o tatlong beses, ngunit maraming ulit na. Sa unti-unti kong paglaki at unti-unting pagkakaroon ng muwang ng musmos kong isipan ay unti-unti ring dumarami ang mga katanungan sa isip ko, unti-unting lumalaki ang kyuryosidad ko sa mga bagay-bagay. Ako mismo ay nagtataka kung bakit ba tila kay sarap makipaglaro sa tukso, para bang tinatawag nito ang aking pangalan papalapit sa kanya.
            Noong ako ay tumungtong ng hayskul, samut saring karanasan ang aking na-engkwentro lalo na nang ako ay mapasali sa isang grupo ng mga kapwa ko kabataan na sabik ring sumubok ng kakaibang bagay. Masasabi ko na ang grupo naming ito ay hindi isa sa mga grupong nakakatulong sa pagunlad ng bayan, salot sa lipunan o pabigat sa pamilya ika nga nila sa amin. Magkakaibang uri kami ng tao, magkakaiba ng hilig at gusto, magkakaiba ng estado sa buhay. Ngunit sa isang bagay kami nagkatalo lahat at yun ay ang pagkakaroon ng samut saring bisyo. Noong ako ay labing tatlong taong gulang, alak at sigarilyo ang naging matalik naming kaibigan ng mga tinatawag kong ‘tropa’. Wala kaming araw na pinapalagpas upang uminom. Sa ganitong paraan ay tila ba nababawasanang mga sakit at problemang pasanin namin mula sa pamilya, sa eskwelahan at maging sa taong mahal naming ngunit mas piniling saktan kami. Sa tinatawag naming FreedomHouse ay nagagawa namin ng malaya ang kung ano man ang aming gustuhin kahit pa ikasasama namin ito. Hindi nagtagal ay mas naging kyuryosa pa ako sa maraming bagay, isa na rito ang ipinagbabawal na marijuana, lubos akong napaisip kung bakit ba tila kapag nasa ilalim ng impluwensya nito ang aking mga kaibigan ay kakaibang ligaya ang kanilang nararamdaman. Dala ng sobra kong pagtataka ay hindi ko napigilang sumubok nito. Ang aking naramdaman? Saya, saya at sarap na hindi kayang iparamdam sa akin ng kahit na sino o ano.
            Mas lalo akong nalulong sa mga bisyo ko noong ako ay nag-labing limang taong gulang na. Minsan nga na may nagsabi sa akin na adik raw ako ngunit pabiro ko siyang sinagot ng “Hindi ako adik, biktima lang”. Marami pa akong nakilalang bagong kaibigan na silang nagpalala ng pagkalulong ko sa aking mga bisyo. Tuwing gabi ay sinusundo nila ako ng kanilang autoat pupunta sa iba’t ibang lugar upang mag-“bar hopping”. Dito ay iba’t ibang tao ang nakakahalubilo ko, babae, lalake, bakla, tomboy, mayaman, pa-sosyal, pa-virgin at adik. Dito ay mas malaya ko pang nagagawa ang aking mga bisyo, inom, sigarilyo at paggamit ng marijuana. Gabi-gabi ay ganito ang naging buhay ko. Umuuwi na lamang ako sa bahay namin upang bumawi ng tulog at kumain, dahil sa madalang kong pag-uwi sa amin ay nagbunga ito ng hindi ko pagpasok sa eskwela. Tuluyang bumaba at bumagsak ang mga grado ko. Dito ako napaisip na tila ito yata ang kapalit ng lahat ng natamasa kong kasiyahan. Kasunod ng pagbagsak ng mga marka ko ay ang paglayo ng loob sa akin ng pamilya ko, kinompronta din ako ng nanay ko at sinabi niyang hindi siya nasisiyahan sa kung ano man daw ang ginagawa ko sa buhay ko. Dumating pa sa punto na pinapahinto niya na ako sa pag-aaral dahil hindi ko rin naman daw ito kayang unahin o gawing prayoridad. Sobrang naging sama ng loob ko at dito ko hiniling na magkaroon ng karamay o masasandalan. Ngunit wala miski isa sa mga tinuring kong kaibigan ang dumamay sakin. Lumala pa ang sitwasyon ko sa unti-unting paglipas ng araw, tila ba pinaparusahan ako ng Diyos sa pagiging isang suwail na anak. Naisip ko na nagpakatotoo lang naman ako sa sarili ko, pero ang hindi ko naisip ay sa pagiging totoo ko sa sarili ay may mga tao na pala akong nasasaktan. Sa sobrang bigat ng aking kaloobanay ginawa ko ang matagal at nakalimutan ko nang gawin simula noong natamasa ko ang pagiging masaya at malaya, yun ay ang pagtawag sa Diyos. Taos puso at mataimtim akong nanalangin at nagbuhos ng sama ng loob at hinanakit ko, dinasal ko nasana ay bigyan niya ko ng lakas at tibay ng loob upang harapin ang mga problema ko, at higit sa lahat ipaintintindi Niya sa akin kung bakit kailangan kong pagdaanan ang lahat ng ito. Doon ko lamang napagtanto na sa bandang huli ay ang Panginoon pa rin ang magiging sandigan natin sa panahon ng pag-iisa at kagipitan. Maraming beses akong sinubok ng tukso, maraming beses na rin akong nagpadala dito. Alam ko na hindi ako ang ideyal na anak para sa isang magulang, perpektong kaibigan, masipag na estudyante, at kapakipakinabang na mamamayan dahil sa mga pagkakamali na nagawa ko at nagpadala ako sa tukso, ngunit alam ko na ako ay isang katanggap tanggap na anak ng Diyos dahil kalian man ay hindi naging mapanghusga ang mahal na Panginoon.
            Sa mga karanasan na ito ay natuto akong maging responsable sa mga bagay na ginagawa at sinasabi ko, kung hindi dahil sa paglapit ko sa tukso ay hindi ako magiging mas mabuting tao ngayon. Higit pa rito ay hindi ko na kailan man nalimot pang tumawag sa ating mahal na Panginoon.
            Gayunpaman, nang ako ay dumako sa bibliya ito ang natuklasan ko tungkol sa tukso. Si Hesus, matapos mag-ayuno ng apatnapung araw ay tinukso Siya ni Satanas. Ang tukso ay hindi pa kasalanan; ito’y paghihikayat lamang ni Satanas na tayo’y magkasala. Maraming ginagamit ang Diablo para hikayatin tayong magkasala: maruming isipin o hangarin, bisyo, maling salita o Gawain, o kaya’y mga tao o bagay na makapanghihikayat sa atin na gumawa ng pagkakasala.
            Nagkakasala lamang tayo kung tayoy’ magpapasiyang bumigay sa tukso. Samakatuwid, ang pagkakasala ay sarili nating pasya. Kaya tayo’y lumayo o umiwas sa tukso. Mahalaga rin ang palakasin ang sarili laban sa tukso sa pamamagitan ng panalangin at mga Sakramento (lalo na ang Kumpisal at Misa), pagbabasa ng bibliya, pagiisip at paggawa ng mabuti.
            Tandaan natin, ang lahat ng tao ay tinutukso ni Satanas. Ang Panginoong Hesus mismo ay hindi niya pinalampas. Kaya lang ay hindi nagwagi ang Diablo kay Kristo.
            Isang matandang pari ang nagsesermon sa Misa tungkol sa tukso: “Kaming mga pari, pag umabot nan g 60 years old ay hindi na tinatablan ng tukso.” Sa sandaling iyon ay biglang may pumasok sa simbahan na seksing babae na maganda at maputi. Napalingon ang pari at sabay sabi: “Ngunit sa aking palagay ay maaari pa itong pag-usapan… hanggang 70 siguro”. Sino ba naman ang hindi tintablan ng tukso? Lahat tayo nakakaranas ng tukso kung paanong si Jesus rin ay tinukso ng Diyablo. Ang ibig sabihin ng diyablo ay “manloloko”, sinungaling, manlilinlang. Sapagkat ito naman talaga ang layunin ng demonyo, ang linlangin tayo upang mailayo niya tayo sa Diyos. Hindi magpapakita ang Diyablo sa kanyang anyong nakakatakot bagkus ginagamit niya ang “kahalihalinang tukso” upang maakit niya ang bawat isa sa atin. Kaya nga mali ang sinasabi ng awitin na “O tukso, layuan mo ako!” sapagkat ang tukso ay natural na umaakit at lumalapit. Tayo dapat ang lumalayo dito sapagkat sa ganang atin ay hindi natin kayang labanan o tapatan ang lakas ng pang-aakit nito sa sandaling ito ay nasa harapan na natin.
            Ngunit napansin ko rin na mas madalas na nasusubukan ng tukso ay ang mga taong nakapag-pangako na ng walang hanggang pagibig sa kanilang minamahal gayun din ang mga magkasintahan pa lamang. Kung bakit nga ba naman tila napaka hirap maging tapat sa taong mahal natin. Sabi nga nila tiwala at katapatan daw ang susi sa matatag at masayang pagsasama o relasyon. Ngunit lahat ng ito ay nababalewala o naisasantabi kapag tukso na ang lumapit sa isang tao, may asawa man o wala, may kasintahan man o wala.
            Pero bakit nga ba nagagawa nilang magtaksil?Marahil ay hindi sila kuntento sa binibigay na pagmamahal sakanila ng kanilang partner kaya ang nangyayari ay hinahanap nila ito sa iba at nagreresulta ng panloloko. Nagiging hobby o gawain nila ang panloloko kapag naitatago o nananatili itong sikreto na hindi nabubunyag. Masarap nga daw ang bawal ika nila, habang tumatagal na hindi nabubunyag ang sikretong pagtatasil nila ay mas lumalaki din ang kasalanan nila hindi lamang sa kinakasama nila ngunit gayun din sa Diyos. Sa maraming pagkakataon ay humahantong pa ito sa pakikipagtalik sa tinatawag nga nating ‘kabit’ nila. Marahil ay mas magaling sa kama ang kanilang kabit kaya nagagawa nilang magtaksil. Ang ganitong paraan ng paglapit sa tukso ay nagreresulta ng paghihiwalay o annulment, pagkasira ng pamilya, at higit sa lahat ay pagkakasala sa Diyos.
            Totoo ngang mahirap paglabanan ang tukso ngunit posible at kakayanin mo ito.Paano at ano nga ba ang maari mong gawin? Una, tandaan mong ikaw ang manangot sa mga ginagawa mo --- hindi ang mga kaibigan mo o sino man. Ikalawa, pag-isipan mo kung sa anong bagay ka madaling matukso. Pagkatapos, tanungin ang sarili kung kailan ka malamang na mapaharap sa tuksong ito (kapag nasa eskuwela? sa trabaho? Kapag mag-isa?) Posibleng maiwasan ang tukso kung alam mo kung kailan ito malamang na mangyari. Ngayon, dapat mong alamin kung anong pag-iingat ang puwede mong gawin para makaiwas sa tukso. Siyempre, kahit anong ingat mo, mapapaharap ka pa rin sa tukso. Baka nga dumating ang isang napakatinding tukso kung kailan hindi mo inaasahan. Ano ang maari mong gawin?Maging handa. Pag-isipan, bago pa man bumangon ang tukso, buo na ang pasya ni Jesus --- lagi siyang susunod sa kaniyang Ama. (Juan 8:28, 29) Kung gayon, dapat na ngayon pa lang alam mo na rin kung ano ang paninindigan mo. Subukan. Mag-isip ng dalawang dahilan kung bakit dapat mong paglabanan ang tuksong pinakamadalas na mapaharap sa iyo. Isipin mo rin and dalawang paraan kung paano mo ito mapaglalabanan. Bakit hahayaan mong maging alipin ka ng iba?Gawin mo ang alam mong tama. Ipanalangin na patuloy mong magawa ito.

            Tunay ngang kay hirap labanan ng tukso.Hindi natin alam kung kelan nito tayo susubukin. Kung tutuusin ay hindi naman talaga ang tukso ang siyang lumalapit sa atin, tayo mismo ang may gustong lapitan ito. Nasa atin pa rin kung tuluyan tayong magpapadala rito ngunit kahit gaano katindi ang tukso huwag natin kakalimutan na magdasal o tumawag sa Panginoon dahil higit sa lahat ito ang pinaka mabisa o epektibong panlaban sa tukso. Tukso nga naman sadyang mahirap kalabanin at tipong maihahambing mo sa anay na sumisira ng bahay.Ikaw?  Hahayaan mo bang sirain ng anay ang iyong bahay?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento