Huwebes, Pebrero 13, 2014

LOVE MO SYA, SURE KA BA?

LOVE  MO SYA, SURE KA BA?
Marites Largado

Hindi makakain ng maayos, napupuyat sa gabi sa kakaisip, napapangiti ng walang dahilan, napapabayaang pag-aaral, kawalan ng oras sa kaibigan. Ilan lamang iyan sa mga sintomas na talagang inlab ka na daw sa isang tao. Ano nga ba ang pinagkaiba ng normal na tibok ng puso, kesa sa tibok ng puso ng taong inlab? Para ka bang mananalo ng isang milyon sa sobrang bilis at lakas ng tibok nito? O parang may humahabol sayo na isandaang kabayo? Hay! Pagibig nga naman. Hindi mo alam kung kelan ka papanain ni kupido. Minsan nga, kahit gaano pa kapanget ang araw mo, makita mo lang siya, click! “everything has changed”. Oh diba parang magic? Ganun niya kabilis mabago ang mood mo. Ibig sabihin, kapag niligawan ka niya, wala ng petiks petiks pa. I’m sure na hindi mo na siya pahihirapan pang manligaw. As in ngayon din, sige tayo na! Isa sa mga dahilan kaya’t marami ang pusong sugatan, marami ang umiiyak at nasasaktan. Bakit? Dahil akala mo mahal mo na siya talaga, akala mo iyon na ang tunay niyang ugali, akala mo nakilala mo na siya ng sobra. Oh ano ngayon? Edi nganga ka? Maraming namamatay sa maling akala. Akala pagibig, yun pala problema. Padalos-dalos na desisyon, ayan ang napapala. Hindi dapat isinusugal ang puso, bago tayo pumasok sa isang relasyon, magisip muna tayo ng higit pa sa sampung beses. Isipin mo na lang kung anong kahihinatnan ng walang kasiguraduhan mong nararamdaman. Oh siya! Tara at samahan mo akong gisingin ka sa iyong kahibangan..
Naniniwala ako na isa sa mga pinakamagandang bagay na pwedeng maranasan ng isang kabataan, ay ang umibig at ibigin. Kasama ito sa ating pagtanda. Nagsisimula sa crush at nauuwi sa tinatawag na “love”. Paano mo nga ba masasabing tuluyan ng nahulog ang iyong damdamin para sa isang tao? Gaano ka kasigurado sa iyong nararamdaman?

Talagang malaking isyu ang love sa buhay ng mga young people ngayon. Mahigit 90 porsyento ang makikita sa mga social media, at maririnig sa mga fm stations na binibigyang pansin ang iba’t ibang kwento ng pagibig. May mga broken-hearted, kinikilig sa crush, nabasted, iniwan ng minamahal, mga committed na sobrang masaya sa buhay at kung anu-ano pa. At aminin mo, na natutuwa ka ding pakinggan ang iba’t ibang banat na nakakapagpangiti sa mga taganood at tagapakinig. Katulad nito, “pulis ka ba? kase nahuli mo ang puso ko eh”, kahit may ka-kornihan, alam mo sa sarili mong napapagaan nito ang iyong pakiramdam. Marami ding mga telenobela, at teleserye na nagpapakita kung paano ipaglaban ng dalawang nagmamahalan ang kanilang pag-iibigan. May mga loveteams na sumisiskat dahil sa pagsuporta ng karamihan sa mga kabataan ngayon. At ang walang humpay na pagbabasa ng mga pocketbooks na nagbibigay pag-asa sa mga readers na magkakaroon din sila ng prince charming tulad ng kanilang mga nababasa at napapanuod.
Ngunit sa lahat ba ng mga pakanang ito, malalaman mo ba kung totoo o hindi ang pagibig na nararamdaman mo? Masasabi mo ba talagang mahal mo na talaga siya? Marahil, pwede silang maging insiprasyon, pero hindi natin pwedeng itulad ang ating mga sariling buhay sa mga teleserye at mga kwento na puro kathang-isip lamang. Hindi masamang umasa, dapat mo ding isaalang-alang ang iyong nararamdaman. Tingin sa positive at negative side. Marami tayong inaakala, inaakalang true love ngunit pekeng love pala. Paano nga ba natin  malalaman kung true love na ito? Bigyang pansin natin ang mga signs ng pekeng love, na sobra naman sa obvious.
Nakakagulat ang mga shoutout status ng mga kabataan sa facebook. “Hindi ko kayang mawala ka, mamamatay ako, ikaw lang ang mahal ko, at gagawin ko lahat para sayo”. Naks! Ang lalim di ba? Parang kaya mong lumunok ng mga bubog para sa kanya. Kinokonsidera ng mga kabataang ito na pagibig na ang simpleng feelings na kanilang nararamdaman na infatuation lamang pala. Ito ang stage na parang “getting to know each other” lang muna and then, sasabihin mo agad na inlove ka na. Isang malaking kahibangan! At sige aaminin ko, na kahit ako mismo ay napagdaanan ang ganitong karanasan at masasabi kong kahibangan talaga, dahil sa padalos-dalos na mga desisyon. Aking mas lilinawin sa inyo ang mga katangian ng infatuation at ng mga taong infatuated.
Pagdating sa pagibig, kalimitang nakatuon sa pisikal na kaanyuan ang infatuation. Hindi lang sa mga taglay nitong talento, kundi higit sa mga nakikita ng mga mata. Nainlab dahil sa dimples, malamlam na mga mata, magandang ngiti, makinis na balat at kung anu-ano pa. Nagugustuhan ng mga taong infatuated ang isang tao dahil sa mga piling mga katangian, pero dahil walang taong perpekto, may makikita at makikita ka pa ding mga bagay na kapintas-pintas sa kanya. Maganda nga, madumi naman sa katawan, gwapo nga, mayabang naman. Matapos mong makita ang panget nyang side, mawawala na ang paghangang iyong naramdaman nung una mo syang makita.
Mabilis maramdaman ang infatuation, ngunit kung gaano ito kabilis magsimula, ganoon din ito kabilis mawala. Bakit? Kase nakadepende ang nararamdaman ng mga infatuated ayon sa kondisyon ng emosyon nila. Sa simula, napakatindi ng feelings, laging puso-puso ang iyong mga mata sa tuwing makikita mo sya. Halos tumalon-talon ang iyong puso sa tuwing ngi-ngitian ka niya. Pero sa pagdaan ng mga araw, unti-unti mo ng nakikilala ang tunay niyang pagkatao. Hindi na siya ang taong una mong nakilala. At doon mo na maiisip na makipaghiwalay. Ang mga infatuated, kapag nawalan na ng gana, unti-unti ng nawawalan na ng interes sa relasyon. Madali ka ng manawa sa inyong mga ginagawa at mga sinasabi na para bang tila paulit-ulit na lamang.
Ang infatuation ay sobrang nakaka-destruct. Sabog ang utak mo sa kakaisip sa kanya, masyado kang atat sa reply nya, kahit saan ka tumingin, feeling mo andon sya. Hindi ka makakaen ng maayos, tulala sa paglalakad at kung anu-ano pang kalokohan ang nararanasan mo. In short, you are totally obsessed with someone. Hindi mo na nabibigyan ng pansin ang mga taong nasa paligid mo, maging ang iyong pagaaral ay iyo na ding napapabayaan. Ang tanging importante sa iyo, ay ang kasiyahan mo kapag kasama siya.
You and I against the world. Ganito ang mga infatuated people, tanging sa kanila lamang dalawa umiikot ang mundo. Walang pakialam sa nangyayari sa paligid. Walang makapaghihiwalay sa kanilang dalawa kahit san man sila pumunta. Wala na silang pakialam kung public display of affection pa ba ang kanilang ginagawa, ang mahalaga ay magkasama nilang tine-treasure ang bawat oras, minuto at segundo na magkasama sila. Binitawan na nila ang mga bagay na dati nilang pinagkakaabalahan at nakatuon na lamang sila sa isat-isa. Kung dati ay laging present sa mga family and friends affairs, ngayon kailanagn mo pang magsabi sa kanya kung pwede kang sumama. Taray di ba? Mas sinusunod pa ang karelasyon kesa sa mga magulang.
Madali mong masasabi kung peke o hindi tunay ang pagibig, madali itong mawala kapag malayo kayo sa isat-isa. Kapag hindi mo siya nakikita, nahahawakan, nakakasama, o nakakausap. Unti-unting manlalamig ang inyong mga nararamdaman, hanggang sa mawalan na kayo ng ganang ipagpatuloy pa ang inyong relasyon. Pero ang tunay na pagibig, ay hindi kayang patayin ng distansya, kahit gaano kalayo at katagal kayong hindi nagkita, mananatiling iisa ang inyong nararamdaman. Gagawa kayo ng paraan, upang manatili ang inyong pagmamahalan.

Sa iisang simpleng away, madaling magwakas ang mga relasyon para sa mga infatuated na tao. Hindi lang nakapagteks o nakalimutan magpaalam, hindi nasundo o hindi nakasipot sa usapan. Hanggang sa mauwi sa malaking away na pahahabain pa ng pahahabain hanggang sa mauwi sa break-up. Ouch nemen! Saklap. Ang pinagsisimulan ng maliit na bagay ay dahil sa pagiging self-centered nyo parehas. Pagkatapos ng away, madali ka nyang masususyo, isang lambing lang, ayan! Bati na agad kayo. At sa sunod na araw, ganun ulit ang mangyayari, hanggang sa maulit ng maulit ng maulit ang mga away. Iisa lamang ang ibig nitong sabihin, na wala na kayong pagmamahal sa isatisa.  The spark is already gone, kumbaga.
Ako’y sayo at ika’y akin lamang. Dito na pumapasok ang pagiging selfish mo. Ayaw mong may lumalapit sa karelasyon mo, gusto mo ikaw lang ang lagi niyang ka-teks, gusto mo ikaw lang ang priority niya higit sa  iba. Dahil ito sa isang bagay na parte na ng relasyon, ang “selos”. Selos na nagdudulot ng matinding galit sa puso. Na minsan, nagiging dahilan para makagawa ka ng masama.
Hiningan ko ng opinyon ang ilan sa aking mga kaibigan. Halos may pagkakatulad ang kanilang mga naging kasagutan. Masasabi daw nila na mahal nila ang isang tao kapag; masyado nila itong iniisip, nakakagawa sila ng mga bagay na kahit masama ay nagiging tama para sa kanila, enjoy kang kasama siya kahit pa wala kayong ginagawa o pinaguusapan, kapag natuto mong baguhin ang iyong sarili para sa kanya, magpakatanga kahit sobra na, pagbigyan siya ng maraming beses sa kabila ng mga kasalanan nya sayo.  Ang love nga naman, babaguhin talaga ang buo mong pagkatao. “Mahal ko na ata sya”, palagi nating sinasabi. Walang kasiguraduhan ang ating mga kasagutan. Ako, tinanong ko din ang sarili ko tungkol sa bagay na iyan. Kahit ako, hindi ko din alam kung paaano ko masasabing mahal ko na ang isang tao. Pero narinig ko ang sarili kong sumagot sa tanong na sa akin mismo nanggaling. Mahal ko ang isang tao, kapag natuto akong tanggapin kung ano siya, kung ano ang kalagayan niya sa buhay, iyong matanggap ko ang buo nyang pagkatao ng walang alinlangan. Doon ko masasabing mahal ko na siya. Acceptance, un ang bagay na basehan ko sa pagmamahal.
Tunay na pagibig. Speaking of tunay na pagibig. True love ba kamo ang iyong hinahanap? Chill ka lang, may nakalaan para sayo. Wag kang magmadali, pasasan at mararanasan mo din ang magmahal at mahalin. May isang tao na nagpakita ng tunay na pagibig, hindi lamang sa isa, kundi para sa lahat. Ito ay ang tunay na pagibig sa atin ng Diyos. Hindi ba’t tinanggap niya tayong lahat sa kabila ng ating mga kapintasan? At higit sa lahat, siya ay namatay para ialay ang kanyang buhay para sa atin. Wala ng mas makakahigit pa sa kanyang ginawa. Mahal niya tayo ng buong puso. Ang mga katangian niya ang dapat nating tularan, upang makita natin ang hinahanap nating true love. Kung wala siya, hindi natin mauunawaan ang totoong ibig sabihin ng pagibig.
Huwag nating madaliin ang panahon, mas higit ang ating nararamdaman. Hindi natin kailangan maging padalos-dalos. May sadyang tao na para sa atin. Matuto tayong maging matalino, sa pagpili ng taong ating mamahalin at higit sa lahat ay matutong maghintay sa tamang pagkakataon.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento