Si Juan Hunyango,
ang Dakilang Manggagaya
Analyn F. Payumo
Gaya dito! Gaya doon! Gaya ng gaya.
Yan ang Pinoy! Isang dakilang mangagaya. Kahit ano ginagaya. Tama man o mali,
gagayahin. Basta uso, kakaiba at trending, pasok yan!
Kung bakit naman kasi may mga tao
tayong nasasalubong na ang kulay ng buhok ay Red brown. Ang iba ay Bergundy. At
ang iba naman ay trip na trip ang Blonde. Ang masasabi ko lang ay, “excuse me
po!” Nasa Pilipinas pa rin ba ako? ''Itigil na ang pagbabalatkayo!'' Ginagaya
ng karamihan at patok sa kabataan dahil kakaiba? Kung pagmamasdan, malayo man o
sa malapitan, sila ay purong Pinoy. Walang alinlangan. Walang pagdududa. Tanging sa istilo at kulay na
lamang sila nagkakatalo-talo. Tila mga sisiw na ibat-iba ang kulay na madalas
ay binebenta sa harap ng mga pook pasyalan at eskwelahan. Unang tingin lang,
alam mong ito ay sisiw, galing sa iisang lahi. Nilulubog lamang sa ibat-ibang
pintura para masabing natatangi. Upang maihiwalay ang sarili sa pagiging
karaniwan, pagpapanggap ang kanilang kasagutan.
Marami akong nakikitang mga kabataan
na hindi nakukuntento sa kanilang sariling kaanyuan. Marahil ay idolo nila ang
mga korean Boy Band tulad ng Exo, CNblue at marami pang iba. Gayang-gaya nila
ang istilo at pananamit ng iba. Nagpapahaba at nagpapakulay ng buhok. Matatawa
ka dahil sa init ng panahon, trip na trip pa rin nilang magsuot ng long sleeves
na polo, cardigan at jacket. Feeling nila nasa Korea sila, malamig ang panahon.
Kahit na ang totoo ay pinagpapawisan naman.
Pati mga kababaihan, nakikigaya sa
mga Amerikana sa pagsusuot ng mga maiikling short. Halos makita na nga ang
kanilang kaluluwa ng dahil sa pagsusuot ng hanging
blouse na may partner pang usong-uso na pekpek
shorts. Kayumanggi ang ating kulay. Hindi tayo tulad ng mga Amerikano at Amerikana na mapuputi at
makikinis ang kutis. Ang bawat porma ay may binabagayan. Ngunit tila ang lahat
ay bulag na sa pangagaya. Bulag na sa pagsunod sa uso. Minsan masakit na sa
paningin. Kahit di na bagay, sinusuot pa rin.
Hunyango ba tayo para gumaya ng
gumaya sa iba? Ikaw? Hunyango ka rin ba?
Minsan naisip ko, baka ito na ang
panahon para magpalit tayo ng pambansang hayop? Sa halip na kalabaw, bakit
hindi nalang Hunyango ang kilalanin natin pambansang hayop?
Ang Pilipino magaling magpanggap,
magaling manggaya. At kung kultura at katangian lang ang pagbababasehan sa
pagpili ng bagong pambansang hayop, higit na tutugma ang Hunyango bilang
pambansang hayop ng Pilipinas dahil sa ugali ng Pinoy na pagiging manggagaya
lalo na sa bagong henerasyon ngayon. Kung pagmamasdan, hunyangong-hunyango na
ang Pinoy ngayon. Wala nang originality,tila ang lahat ay replika na lamang.
Ano ba ang Hunyango? Ang Hunyango ay isang uri ng hayop na sa
english ay Chameleons. May kakayahan makapagbago ng kulay ng sariling katawan
depende sa kulay ng madidikitan niya. Kung ano ang kulay na madikitan niya, ang
magiging kulay niya. Tulad ng mga Pilipino, kung ano makitang kakaiba,
ginagaya. Maging ang kultura ng iba, nais gayahin.
Samantalang masdan niyo ang kalabaw.
Nasaan ito? Naroon sa mga probinsiya, nasa bukid, nag-aararo ng sakahan. Ang
kalabaw na kilala sa pagiging masipag, ay ginawang pambansang hayop dahil
inihahalintulad ito sa sipag ng Pinoy. Ngunit ang malaking katanungan, kung
tayo ay nararapat pa bang ihalintulad sa sipag at tiyaga ng kalabaw? Kung ang
marami naman sa ating Pinoy ay hindi na nagsisipag. At mas marami pa nga ang
reklamo kaysa sa gawa. Umaasa nalang sa swerte ng buhay.
Minsan nagkompyuter ako. kailangan ko
kasi manaliksik para sa asignaturang Filipino. Ang hirap kasi ng critical
essay. Nag search ako katangian ng Pilipino. Alam mo kung ano unang lumabas?
Masamang katangian ng Pilipino:
1. Gaya-gaya
2. Bahala na habit
3. Filipino time
Ouch! Ang sakit, nasabi ko. Tatak na
pala ng Pinoy ang pagiging gaya-gaya. Ang tanong ko sa sarili ko, ''bakit?''
Paglingon ko sa katabi ko, nakita ko ang kasagutan. Hindi ko na pala kailangang
magtanong kung bakit, dahil makikita muna sa iyong kapaligiran ang kasagutan.
Pula ang buhok niya at ang pinapakingan niya ay foreign music. Kung bakit pula
ang buhok niya? Siguro ito ang bagong uso sa planetang Mercury.
Kahit saan makakakita ka ng tulad
nila. Parang isang virus na kay bilis
kumalat at unti-unting bumabago sa kaanyuan ng Pinoy. Isa itong sakit na hindi
kayang gamutin dahil habang tumatagal ay lalong nag-eenjoy ang tao sa mga
pagbabago sa kanyang itsura, pananamit, pananalita, kilos at maging paniniwala.
May isang kulturang lumalaganap maging sa ibang bansa, at sa isang banda may
isang kulturang nawawasak. Kung kaninong kultura ang lumalaganap? At kung
kaninong kultura ang nawawasak? Malalaman niyo..
Sa larangan naman ng musika, ang OPM
(Original Pinoy Music) ay hindi na masyadong binibigyang halaga ni Juan ngayon,
lalo na ng mga kabataan. Tila ba wala ng halaga ang sariling atin. Mas gusto na
ng tao ang foreign music tulad ng k-pop, j-pop, awitin nila Katy Perry at
Justin Bieber. Iba rin kasi mag idolo ang mga Pinoy, minamahal, sinusuportahan,
at tinatanggap nila ito ng buong-buo. Kahit minsan pagkalimot na ng sariling
atin na ang kapalit. Hindi na ito iniinda ni Juan ngayon. Basta ang uso ay uso.
Ang sumunod sa uso ay IN. Sikat!
Kakaiba! Yan ang paniniwala ng mga kabataan. Kapag against ka, manang ang tawag
sayo, makaluma, walang taste, at kung anu-ano pang panlalait. Kung minsan
masakit na. Hindi ba pwede makabayan ka lang sa sarili mong bansa?
Ang pagtangkilik at pakikinig ng
instrumental music tulad ng harp at flute, ay tila napag-iwanan at nalimot na talaga ng mga Pinoy. Bihira na
ang nagtatiyaga nitong manood at makinig, at tila matatanda nalang ang may
hilig. Mabuti pa nga ang ilang Amerikano na naroon upang pakinggan ang
kakaibang talento ng Pinoy. Ang mga estudyante, naroon nga pero para sa program
na kailangan ipasa para sa asignaturang Music. At kahit na naroon ang presensya
ay halata naman di nasasayahan. Kung hindi nagtetext, ay naglalaro ng candy crash.
Nakakalungkot isipin ang mga
Pilipinong naturingan, ipinanganak at lumaki sa bansang Pilipinas, tila hindi
na marunong magsalita ng sarili niyang Wikang Tagalog. Mayroon tayong
asignaturang Filipino ngunit hindi naman binibigyan pansin ang pagtuturo maging
ang wikang gamit natin. Kaya't ang mga Pinoy habang sumasabay sa pagsulong ng
henerasyon, habang ang mga kabataan ay nalilibang sa paggamit ng mga bagong
likhang wika tulad ng Jejemon, Gaylingo, Taglish at marami pang iba. Kasabay
naman nito ang paglimot at pagiging bobo ng mga Pilipino sa mga malalalim na
salitang Tagalog tulad ng salumpuwit,
salipawpaw, at marami pang iba na hindi
na alam ng mga kabataan ang kahulugan. ''Hello po?'' Kung hindi ninyo
napapansin, nagiging tanga na tayo sa sariling wika natin.
Ang Barong Tagalog na pambansang
kasuotan natin. Kailan ka huling nakakita nang may nagsuot nito? Gaano ba
kaliit ang tingin natin sa kultura natin, na kahit pagsuot ng Barong Tagalog ay
kinakahiya na natin? Sa tuwing nakakakita tayo ng mga Pinoy na may suot nito,
ang tanong natin ay, ''kung saan ang burol?'' Pamburol nalang ba para sa atin
ang Barong Tagalog? Samantalang pag nakakakita tayo ng mga lalaking naka suit o
amerkana, ang tingin natin ay gwapo, gentleman
at yummy. Anong pinagkaiba ng pagsuot
ng amerkana sa Barong Tagalog? Dahil ba sa nauuso ang formal suit? Samantalang
ang Barong Tagalog ay napaglumaan na? Sabagay ang awkward nga naman suotin ang Barong Tagalog sa panahon ngayon, lalo
na't wala na ito sa uso. Ang Barong Tagalog na dating madalas ginagamit sa
kasal, ngayon formal suit na ang nais ng karamihan. Patay na lang ba ang
nagsusuot nito ngayon? Hihintayin mo ba muna mamatay ka, bago ka magsuot ng
Barong Tagalog?
Maging ang pagpapalabas ng mga
koreanovela, tsinonobela, japanovela at taiwanovela sa mga telebisyon ay
kinahihiligan na rin subaybayan ng mga Pilipino. Nagugustuhan natin manood
dahil ito ay kakaiba sa nakasanayang palabas dito sa atin at ang hangarin
makita ang kultura nila sa pamamagitan ng panonood ng mga telenobela ng ibang
bansa na isinasalin sa Wikang Tagalog upang higit natin maintindihan ang
istorya. Subalit karapat-dapat ba na gayahin pa natin ang mga gawa nila? Isang
magandang ideya ang panonood nito upang higit natin maintindihan ang kultura ng iba at baka sakali maging daan
ito upang magkaroon ng pagkakaunawaan ang bawat bansa sa mundo kahit sa pagkilala
man lang ng kultura ng iba. Subalit tila kalabisan na ata sa tuwing ginagaya
natin ang mga sumikat na koreanovela dito sa Pilipinas. Ang ''My Girl'' na
pinalabas na dati bilang koreanovela at muling pinalabas noon na pinagbidahan
ni Kim Chui at Gerald Anderson. Hindi lang yan! Marami nang mga telenobela ng
ibang bansa ang inulit ng mga Pinoy tulad ng Green Rose, Coffee Prince, Kim Sam
Soon, Full House, Temptation of Wife, at marami pang iba. Sabi nga ng
nakapanayam ko, ''kung minsan nakakasawa na ang paghain sa atin ng mga TV
network ng mga telenovela ng mga karatig bansa, pagkatapos uulit-ulitin pa.''
Bakit kailangan natin sundan ang yapak nila kung pwede naman tayo gumawa ng
sariling atin? Pati ba naman sa panonoorin, magpapaalipin tayo sa kanila?
Mayroon tayo sariling galing. Bakit hindi natin ipakita ang sariling atin?
May mga pagkakataon nga na gusto kong
tanungin ang iba kung tayo ay Pinoy pa rin ba o Chinese na? Noong sumapit ang
Pasko at Bagong Taon, ramdam na ramdam ko ang pagiging Pilipino. Subalit
ngayong Chinese New Year na, napagtanto ko na ang mga Pilipino pala ay
unti-unti nang nasasakop ng kulturang Tsino. Ang mga Pinoy nagdiriwang ng
Chinese New Year kahit di naman tayo Chinese. Naghahanda ng mga prutas at
tikoy. Lahat ay nakikisaya sa count down ng pagpasok ng Chinese New Year.
Naniniwala sa zodiac sign at mga year of the monkey, pig, horse at marami pang
iba. Ikinukonsulta ang buhay pag-ibig at career sa horoscopes, maging ang lucky
color at lucky number for the day. Sumusunod sa mga pampaswerte o mas tinatawag
natin Feng Shui. Nagsusuot ng bracelet na pampaswerte. Di ba, ang lahat ng ito
ay kulturang instsik? Pero, oops! Teka lang ah! Ito ba talaga ang gusto niyo?
Ang magpasakop sa kulturang Intsik?
Ang panig ng mga kapwa natin Pilipino
sa pagiging gaya-gaya ay nahahati.
Karamihan ay sang-ayon lalo na ang
mga kabataan na tila nasasayahan sa pagbabagong nararamdaman. Gusto nila ang
pakiramdam na sila ay IN. Ang feeling
na nakakasabay sa uso. Sa paggaya ng iba, nararamdaman nilang nagiging bahagi sila ng kasikatan ng mga iniidolo
nila.
Ayon sa mga nakapanayam ko, isa sa
mga estudyante sa EARIST, BS in Education in Mathematics, ''nagsimula silang
mahalina sa mga Korean dahil sa looks nilang taglay. Kakaiba ang kagwapuhan at
kagandahan nila kumpara sa mga Pinoy.'' At marahil dahil sa paghanga, nagnanais
tayo maging tulad nila, Pinipilit gayahin ng tao ang looks, pananamit at style
ng buhok ng iba. Dagdag pa niya, ''ang Korean music, bagama't hindi
naiintindihan ay nagiging maganda sa pandinig dahil sa ito ay kakaiba, maganda ang
tunog at tila bagong musika kumpara sa nakasanayan natin.''
Ayon naman sa isang fashion designer,
''sa pagbago ng henerasyon natin, natural lang na magbago ang taste ng Pinoy sa
pananamit.'' Aniya'y, ''it shows how versatile we are in changes.'' At ang sabi
ng isa sa aming kapitbahay, ''sa paggaya natin ng pananamit nila, nababago
natin ang ating sarili.'' Naitatago nito ang tunay na tayo, pati na rin ang nga
kahinaan natin, sa halip nakikilala pa nga bilang astig. Sunod sa uso! Sikat! Ito ang gusto ng mga kabataan, ang
maging sikat. Ayaw nila ng pakiramdam na napag-iiwanan. Ang sabi nga nila,
''just go with the flow.'' Ito na kasi ang ang nakasanayang mundo nila, ang
bagong henerasyon.
Subalit may mga tao ding hindi
sang-ayon. Ayon sa nakapanayam kong mag-aaral, ''hindi ako pabor dahil ang
bawat lipunan ay may kanya-kanyang kultura tulad nating nasa bansang Pilipinas.
Kinikilala tayo bilang mga Pilipino dahil sa sinusunod nating sariling kultura.
Hindi na tayo tatawaging Pilipino kung ibang kultura na ang paniniwalaan natin.
Halimbawa, kung gagayahin natin ang mga Amerikano, ang mga dugo natin ay
Pilipino pero tatawagin na tayong Amerikano
kasi nasa ilalim na tayo ng mga paniniwala nila, kaya tila tayo na rin ang
nagpasakop.''
Sino ba naman kasing tao ang nanaisin
magpasa ilalim sa kultura ng iba? Tayong mga Pilipino ay matalino, magaling, at madiskarte. Bakit
hindi natin gamitin ito sa pag unlad ng sariling atin, sa halip na gamitin sa
pangagaya tulad ng mga ginagawa ng karamihan. Ang maging Dakilang Mangagaya.
Maging isang Hunyango ng ibang kultura. Habangbuhay nalang bang gaya-gaya ng
ibang kasuotan, itsura, at paniniwala
ang pangarap mo? Ayaw mu ba makilala ka bilang isang Pilipino? Na sumikat hindi
dahil sa pangagaya kundi dahil sa iyong sariling angking talino, galing at
orihinal na talento, at hindi gaya-gaya lang?
Tayo ay mga Pilipino! At ang bansang
Pilipinas ay atin. May sarili tayong kultura na dapat natin pagyamanin. Ilang
daan taon din tayo sinakop ng Kastila, Amerikano at Hapones at pinilit ipalunok
sa atin ang dala-dala nilang kultura. At ngayon taglay na natin ang ganap na
kalayaan tayo pa ba ang maghahabol sa ibang mga karatig bansa para mapasailalim
sa kultura nila?
Ang sabi nga ng isang mag-aaral na
nakapanayam ko, ''hindi ako pabor dahil nawawalan tayo ng sariling opinyon.
Nakukulong tayo sa paraan nila, hindi sa sariling atin.''
Hindi ko sinasabi na masama ang
gumaya, kung para naman ito sa ikabubuti natin. Bakit hindi? Di ba? Ngunit kung
gagaya man tayo sa iba, gayahin natin yung pagiging maunlad ng bansa nila,
hindi yung kultura nila. At kung hahanga man tayo sa kultura ng iba, sana
inspirasyon lang ang kunin natin. Huwag nating limutin ang tatak ng pagkatao
natin.
Lubha akong nabagabag sa reaksyon ng
isang kabataan nang tanungin ko ang panig niya sa pagiging gaya-gaya ng Pinoy
sa kultura ng iba. Ang sagot ng isang mag aaral, ''wala akong pakialam. Sunod
ako sa in. Wala akong pakialam sa kapwa
ko Pilipino.''
Natakot ako sa sagot niya. Kung ang
lahat ng kabataan ay walang pakialam sa kanyang kultura, sino pa kaya ang
magpapahalaga sa sarili nating kultura?
Marahil sampung dekada mula ngayon,
ang Kulturang Pilipino ay tuluyan ng mawawala at malilimot. Ang bansang
Pilipinas ay hindi na magiging tahanan ng mga Pilipino, kundi lugar ng mga
taong may ibat-ibang paniniwala at kultura. At kapag tayo ay nagpatuloy sa
pagiging uto-uto at pagiging gaya-gaya sa kanila, tayo ay tuluyang masasakop at
makukulong sa kultura ng iba. Magiging alipin ng paniniwala nila. Hahayaan ba
natin mangyari ito?
Baka ang minamahal nating islang
Luzon ay tuluyan ng pagharian ng Kulturang Intsik at ang Visayas ay masiyahan
na sa pagsunod sa Kulturang Koreano.
Hindi natin namamalayan. Habang
tuwang-tuwa tayo sa paggaya sa kanila at pagiging IN, nagiging anino na pala
tayo ng kultura ng iba.
Baka dumating na ang panahon na hindi
na mamamayang Pilipino ang tawag sa atin. Hindi na rin si Juan Dela Cruz, kundi
si Juan Hunyango.
Ikaw? Nais mo bang habang-buhay nang
ikabit sa katangian ng pagiging Pilipino
natin ang ugaling ''gaya-gaya?''
Pinoy ka? Makialam ka! ''Lets change
the world, ika nga''
Ang tunay na Pinoy, hindi selfish..
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento