Martes, Pebrero 18, 2014

Bakit dapat iwasan ang Pornograpya?

Bakit dapat iwasan ang Pornograpya?
Trisha Ishii

            Laganap ngayon sa daigdig ang pornograpya. Makikita ito sa mga advertisement, kausuhan, pelikula, musika, at mga magasin, pati na sa telebisyon, mga video game, cellphone o iba pang gadyet, Website, at mga photo-sharing service sa internet. Ang pornograpya ay karaniwan nang tinatanggap sa modernong lipunan. Ngayon higit kailanman, mas maraming lugar ang gumugugol ng higit na panahon sa pornograpya.
            Ang terminong “pornograpya” ay tumutukoy sa malalaswang material na dinisenyo upang pukawin ang damdamin ng mga nakakakita, nagbabasa, o nakikinig nito. Kasama rito ang mga larawan pati na ang anumang materyal na mababasa o mapapakinggan. Ang pornograpya ay lubhang nakakasugapa na gaya ng crack cocaine, ayon  sa ilang mananaliksik at terapist. Ang obsesyon sa pornograpya ay gaya ng pagkahayok sa sekso ng masamang espiritu noong panahon ni Noe. –Genesis 6:2.
            Dahil laganap na ang pornograpya, baka maitanong mo, ‘talaga nga kayang masama ito?’ Ang sagot oo! Pinabababa ng pornograpya ang pagkatao ng gumagawa nito at ng tumitingin dito. At ang mga tumitingin dito ay kadalasan nanag nahuhulog sa imoralidad.
            Noong nasa kabataan pa ang mga magulang mo, kung gusto ng mga tao na makakita ng pornograpikong larawan, kailangan pa nilang hanapin ito. Ngayon, waring pornograpya na ang lumalapit sa iyo. Ganito ang sabi ng 19-anyos na dalagita: “Kung minsan, kapag nag-i-internet ako para mag-browse o mamili o para lang alamin kung magkano ang pera ko sa bangko—bigla na lang may lilitaw na pornograpya!” Pangkaraniwan na lamang ito. Sa isang pag-aaral, 90 porsiyento ng mga kabataang nasa edad 8 hanggang 16 ang nagsabing hindi sinasadyang nakakakita sila ng pornograpya sa internet—karaniwan nang habang gumagawa ng kanilang takdang-aralin.
            Puwede kang maadik sa pornograpya, at masaklap ang epekto nito. Kunin nating halimbawa si Jeff. Ganito ang nasabi niya kahit 14 na taon na siyang hindi tumitingin sa pornograpya: “Araw-araw ko pa rin itong pinaglalabanan. Nakokontrol ko na ang sarili ko, pero parang gusto ko pa ring tumingin. Ang nga larawan ay nasa isipan ko pa rin. Pero mali pala ako. Kahit ano pang sabihin ng iba, walang anumang mabuti sa pornograpya—talagang wala.”
            Si Brian, na nahumaling sa pornograpya sa Internet, ay nagsabi: “Walang makapigil sa akin. Para akong wala sa sarili. Nanginginig ako at sumasakit ang ulo ko. Sinisikap kong huminto, pero pagkalipas ng  mga taon, sugapa parin ako.”
             Karaniwan nang itinatago ng mga  nahuhumaling sa pornograpya ang kanilang bisyo. Malihim sila at mapanlinlang. Hindi kataka-taka, marami sa kanila ang nakadarama ng kahihiyan, pagkabalisa, depresyon, at galit. Pakiramdam nila’y nag-iisa sila. Ang ilan pa nga sa kanila ay nag-iisip magpakamatay. “Puro sarili ko lang ang iniisip ko at naging desperado ako.” ang sabi ni Serge, na nagda-download ng pornograpya sa kaniyang cellphone halos araw-araw. “Parang wala akong halaga, nakokonsensya ako, at pakiramdam ko, nag-iisa ako at walang magawa. Hindi ako makahingi ng tulong dahil sa sobrang takot.”  
            Kahit ang pagsulyap lang sa pornograpya ay maaaring magbunga ng masamang resulta. Si Dr. Judith Reisman, isang kilalang mananaliksik tungkol sa pornograpya, ay nagsabi sa harap ng isang komite ng Estados Unidos: “Ang mga pornograpikong larawan ay tumatatak at bumabago sa utak. Pinagmumulan ito ng bigla, di-makontrol, pero nagtatagal na alaala na mahirap  o imposibleng burahin.” Si Susan, 19 anyos na nahantad sa pornograpikong  Website, ay nagsabi: “Nakaukit sa aking isipan ang mga larawan. Bigla  na lang pumapasok ang mga ito sa isipan ko. Parang hindi ko na kailanman mabubura ang mga iyon.”

            Ang sinasabi ng mga Eksperto, Nakakapinsala ang pornograpya sa relasyon ng mga mag-asawa at pamilya dahil, Pinapahina nito ang tiwala, ugnayan, at pag-ibig ng mag-asawa sa isa’t-isa. Itinataguyod nito ang kasakiman, kawalang-malasakit, kawalang-kasiyahan sa asawa. Pinupukaw nito ang malalaswang seksuwal na pantasya at pagnanasa. Tinutukso nito ang mga nanonood na ipilit sa kanilang asawa ang malalaswang seksuwal na gawain. Itinataguyod nito ang pagtataksil. Ang pagtataksil ay maaaring sumira sa pag-aasawa at humantong sa paghihiwalay at diborsiyo. Ang gayong pahihiwalay ay nakakapinsala naman sa mga anak.
            Maaari ding mas tuwirang mapinsala ng pornograpya ang mga bata. Si Brian, na nabanggit kanina, ay nagsabi: “Noong mga sampung taon ako, di-sinasadyang nakita ko ang pornograpikong mga magasin ni tatay habang naglalaro ng taguan. Mula noon, palihim kong tinitingnan ang mga ito nang hindi talaga naiintindihan kung bakit ko gustong gawin iyon. Diyan nagsimula ang masamang bisyo ko na tumagal nang maraming taon.”
            Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang pornograpya ay naka-iimpluwensya sa mga kabataan. Maaari silang magkaroon ng seksuwal na mga kaugnayan nang mas maaga, maging liberal at marahas pagdating sa sekso, at magkaproblema sa emosyon at pag-iisip.
            Ang totoo tungkol sa Pornograpiya, Bawat Segundo: Halos 30,000 tao ang tumitingin sa pornograpikong mga Website. Bawat Minuto: Ang mga gumagamit ng internet ay nagpapadala ng mahigit 1.7 Milyon na pornograpikong e-mail. Bawat Oras: Halos Dalawang video ng detalyadong paglalarawan sa pornograpya ang inilabas sa Estados Unidos. Bawat Araw: Sa Estados Unidos pa lang, may average na Dalawang Milyon na pornograpikong pelikula ang nirerentahan. Bawat Buwan: Halos 9 sa bawat 10 kabataang lalaki at 3 sa bawat 10 kabataang babae sa Estados Unidos ang nanonood ng pornograpya. Bawat Taon: Kumikita ng tinatayang $100 Bilyon (U.S) ang industriya ng pornograpya sa buong daigdig.
            Baka may pagkakataong nakakakita ka ng pornograpya nang di-sinasadya, pero ibang usapan na kung sinasadya mo talagang tumingin dito. Paano kung nagiging bisyo mo na ito? Isang bagay ang sigurado—hindi madaling makawala sa bisyong ito. Bilang ilustrasyon: Ipagpalagay nating nakatali ng sinulid ang mga kamay mo. Malamang na kaunting batak lang, mapapatid mo agad ang sinulid. Pero paano kung maraming ulit na inikot sa mga kamay mo ang sinulid? Mas mahirap na ngayon itong maptid. Ganiyan din ang nangyayari sa mga taong naging bisyo na ang pagtingin sa pornograpya. Miyentras mas madalas silang tumingin dito, lalo silang nahihirapang makawala sa bisyong ito. Kung ganiyan ang kalagayan mo ano ang dapat mong gawin?
            Tandaan mong napakasama ng pornograpya. Paraan ito ni Satanas para pasamain ang isang bagay na ginawang marangal ng Dios.
            Kung paano makakalaya sa Pornograpya. 1.Manalangin sa Diyos. 2.Humingi ng tulong sa iba. 3.Alamin at iwasan ang mga posibleng pumukaw ng pagnanasa. 4.Patibayin ang kaugnayan sa Diyos.  Mangako. “Ako ay gumawa ng taimtim na pangako na hindi kailanman titingin nang may pagnanasa sa isang babae,’ ang sabi ng tapat na lalaking si Job (Job 31:1) Narito ang ilang “taimtim na pangako” na maaari mong gawin: 1.Hindi ako gagamit ng internet kapag mag-isa lang ako sa kuwarto. 2.Isasara ko agad and anumang lilitaw na malaswang mensahe o larawan kapag nag-internet ako. 3.Sasabihin ko sa isang may-gulang na kaibigan kapag muli akong natuksong tumingin sa pornograpiya. Tip: Tiyakin mong naka-on ang browser ng computer mo para hindi makapasok ang pornograpikong mga Website. Iwasan ding buksan ang mga link sa mga e-mail na hindi alam kung kanino galling.
            Kadalasan nang malaking tulong para maihinto mo ang iyong  bisyo kung mayroon kang mapagsasabihan  ng niloloob mo.
Kung nagging bisyo mo na ang pagtingin sa pornograpya, kaya mo pa ring mapagtagumpayan ito. Ang totoo, sa bawat pagkakataong naiiwasan mo ito, nagtatagumpay ka. Lagi mong tatandaan na mapapasaya mo ang puso ni Jesus kung iiwasan mo ang nakapipinsalang pornograpya!.



2 komento:

  1. Salamat Kapatid.. humihingi ako ng panalangin upang mapagtagumpayan ko din ang pagkahumaling rito..

    TumugonBurahin
  2. Salamat Kapatid.. humihingi ako ng panalangin upang mapagtagumpayan ko din ang pagkahumaling rito..

    TumugonBurahin